iyakin akong bata noon. kahit simpleng bagay iiyakan ko talaga.emosyonal akong bata noon. madali akong maapektuhan sa mga nangyayari sa paligid ko. may mga bagay na hindi ko maexplain iniiyakan ko na kaagad. parte yun ng kamusmusan ko noon.
ngayon natuto na ako. na hindi madadaan sa iyak ang lahat. narealize ko na wala namang maidudulot sa akin yung pagiyak kundi aksaya ng panahon, na kung magkakaroon ng mga bagay na hindi kanais-nais ay dapat umaksyon agad. na kailangan kong hawakan lahat ng problema nang walang pagaaksaya ng panahon. isa ito sa mga natutunan ko sa pagdaan ng buhay ko ngayong kolehiyo.
narealize ko na walang ibang makakatulong sa akin kundi ako, kaya kung magseself-pity ako ay wala nang mangyayari sa akin. naalala ko yung klase ko sa fil-20 kay prof bucoy. ang sabi niya sa pagkakataong umiyak, tumawa o magpakita ng kahit anong emosyon habang nanonood ng pelikula o nagbabasa ng kahit anong akdang panliteratura at kung ano may ay pagpapakita ng kahinaan ng isang nilalang sa kanyang pagiisip. na kung naluha ka sa madramang eksena sa pelikula ni vilma o natawa ka sa mga pagpapatawa nila vice ganda nagpapakita ka ng kakulangan mo sa angkop na panunuring pampanitikan. kasi sa sandaling magpadala ka sa emosyon, nawawalan na ng kakayanan ang katawan mong magisip. nagpapalamon ka na sa daloy ng kuwento ng akdang iyon at hinayaan mong magapi ang rasyonal mong pagiisip sa bugso ng iyong damdamin.
nung mga panahong sinabi iyon ni ma’am sa klase narealize ko na masyado ko ngang pinaiiral yung rasyonal kong pagiisip. hindi ko alam kung kulang lang talaga ako sa emosyon o hindi lang talaga ako ganoon sa sensetibo sa mga bagay at pagkakataong nakapaligid sa akin.
ni hindi ko nga alam kung ano ang sasabihin o gagawin pag sinasabihan ako ng isang tao ng “i miss you…” madalas natitigilan ako pag sinasabihan ako nito kasi iniisip ko pa talaga kung namiss ko yung taong nagsasabi nuon sa akin. kasi alangan namang sa bihin kong namiss ko rin siya pero sa totoo naman ay hindi. sa katunayan, wala pa akong sinasabihan na namimiss ko sila ng personal. palagi kasi, napagtatanto ko sa sarili ko na ang namimiss ko ay yung mga nabuong mga alaala ko kasama yung isang tao at na rationalize ko sa sarili ko na yung alaala yung naaalala ko hindi yung tao. siguro puwede mo na akong maturingang bobo sa emotional quotient ko.
at kung naiisip mo kung bakit ko naisipang sumulat tungkol sa emosyon? kasi nga likas na sa akin ang pagiging “emotional introvert.” ang kaso lang yung mga taong nasa paligid ko ay masyado emosyonal ngayong mga nakaraang araw. hindi ko kasi alam ang gagawin ko pag biglang may umiiyak na lang sa harap ko at maghahagulgol tungkol sa kahirapan ng buhay nila at kung ano pa. madalas tinitignan ko na lang sila hanggang sa tumahan na sila… insensitive daw ako.
pero sa totoo lang, nadadama ko rin naman yung kalungkutan nila, hindi ko lang talaga alam kung ano yung gagawin. =(

